Tuesday, March 23, 2010

Kurso at Trabaho

Mga mananaliksik:
Guevarra, Coleen
Liquido, Hazel Charmaine
Magalino, Trizia
Musngi, Ma. Victoria
Reynes, Gianne
Roque, Edelyn Gail

Ikalawang Semestre 2009-2010
1DAM batch 2009-2010
Kolehiyo ng Komersiyo
Unibersidad ng Santo Tomas



Panukalang Pahayag:

Ang pagtatrabaho na taliwas sa tinapos na kurso noong kolehiyo ay maaaring makaapekto sa pag-angat ng ekonomiya.

Panimula:

Ang pinahahalagahan ng pananaliksik na ito ay ang mga trabaho na pinapasok ng mga nakapagtapos ng kolehiyo na taliwas sa kursong kinuha nila upang kumita lamang ng pera.

Sa kabila ng hirap ng buhay ngayon, mas marami na ang bilang ng kabataan ang nakakapagtapos ng pag-aaral dahil sa mga iba't ibang vocational courses at sa mga state universities. Ayon sa Commission on Higher Education, noong 2009 humigit kumulang na 900,000 ang mga nakapagtapos ng kolehiyo. Samantala, ang bilang ng mga nagbubukas na trabaho sa bansa nitong 2009, ayon sa Department of Labor and Employment ay 20,000- 30,000 lamang. Dahil hindi balanse o pantay ang ratio ng mga nagsipagtapos sa bilang ng mga nagbukas na trabaho, napipilitang pasukin ng mga iilang graduate ang mga trabahong taliwas sa kursong tinapos nila.

Bukod sa maliit na oportunidad na hinahain sa kanila ng lipunan dahil sa nararanasang krisis sa ekonomiya, nagiging rason din ang mababang sweldo nila mula sa kanilang karera kung magtatrabaho sila sa ilalim ng gobyerno. Halimbawa na lang ay ang mga nakapagtapos ng nursing, may ibang mas pinipiling mag-apply at magtrabaho sa isang call center kaysa magsilbi sa mga pampublikong ospital dahil sa maliit na sahod mula sa gobyerno.

Malaki ang epekto nito sa lipunan sapagkat ang mga inaasahan sanang tulong mula sa kanila para sa ikauunlad at ikabubuti ng bansa sa iba’t ibang aspekto ay hindi nakakamtan at naipapamahagi sa lipunan.

Rebyu:

Ang mga sumusunod ay ang mga pinagkuhanan ng impormasyon ng mga mananaliksik upang bigyang-suporta ang pananaliksik.

1. Servants of Globalization ni Rhacel Salazar Parreñas

Nilalaman ng librong ito ang tungkol sa mga babaeng nakapagtapos ng pag-aaral dito sa Pilipinas na nagtatrabaho sa abroad. Iilan lamang sa kanila ang nakagagamit ng kanilang tinapos na kurso at ang iba naman ay nagiging domestic helper na, kumita lamang nang malaki at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

2. Philippine Industrial Relations for the 21st Century Emerging Issues, Challenges and Strategies nina: Dr. Jose C. Gatchalian, Dr. Maragtas S.V. Amante at Dr. Gert A. Gust

Ang librong ito ay akda ng mga propesor ng UP Diliman. Ito naman ay pumapatungkol sa mga maaaring maging balakid, pagsubok at estratehiya na maaaring harapin ng mga kumpanya na posibleng makaapekto sa pagpapasok nila ng mga manggagawa para sa kanilang kumpanya.

3. “Pagyapak sa Tunay na Mundo” na isinulat nina Emili Therese A. Malacapo at Ruby Anne R. Pascua na nailathala noong ika-26 ng Marso 2006 sa The Varsitarian Vol. LXXVII, No. 11. Sa artikulo na ito ay naglalaman ng isang interbyu patungkol sa karanasan sa paghahanap ng trabaho ng isang bagong gradweyt na sumusuporta sa pananaliksik.

4. Collegiannews.multiply.net

Ang nilalaman ng site na ito ay mga artikulo o teksto mula sa opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Diliman. Ang ilang mga artikulo mula rito ay may koneksiyon at makakatulong sa nasabing pananaliksik lalo na’t ang mga artikulong inilathala ng mga estudyante ay nagtuon din ng pansin sa lagay ng kasalukuyang ekonomiya. Ang mga arikulong ginawang sanggunian ay parehong isinulat ni Marjora Tucay: “Lagay ng Edukasyong Tersyaryo sa Pilipinas” noong ika-3 ng Hulyo 2009 at “Lagay ng Pilipinas sa Unang Hagupit ng Pandaigdigang Krisis-pampinansya” noong ika-6 ng Pebrero 2009.

Layunin:

Ang layunin ng pananaliksik na ito ay makita at maipakita sa mga mambabasa kung papaano at gaano nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa ito ang pagtatrabaho na taliwas sa tinapos na kurso noong kolehiyo. Upang makapagbigay liwanag sa naturang pananaliksik at hangarin din nitong makapaghain ng ilang mga posibleng solusyon sa problemang ito ng bansa o mga paraan para maiwasan ang ganitong pangyayari ng mga magtatapos ng kolehiyo. Upang makatulong na alamin kung bakit karamihan sa mga may propesyon ay hindi nagagamit ang kanilang natapos na kurso at para malaman kung anu-anong salik ang nakakaapekto kung bakit ganito ang kinalabasan ng kanilang dapat sanang karera.

Kahalagahan:

Ang kahalagahan ng pananaliksik na ito ay ang pagpapakita na importante na gamitin ang larangan na tinapos upang makatulong sa pagtaas ng ekonomiya. Ang mga makikinabang sa pananaliksik na ito ay ang mga papasok pa lamang, nag-aaral at nakapagtapos na ng kolehiyo, human resource department na sumusuri sa mga empleyado, mga kumpanya, mga empleyado at lahat ng taong bukas ang isipan sa nasabing paksa o interesadong malaman at mapag-aralan ang bawat aspekto na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Metodolohiya:

Ang mga mananaliksik ay gumamit ng iba’t ibang materyal na maaaring maging sangkap upang maisagawa ang pananaliksik. Tulad na lamang ng paghahanap ng mga magagamit na impormasyon sa iba’t ibang libro, diaryo, at iba pang babasahin sa loob ng silid-aklatan, paggamit ng internet at pakikipanayam. Limang tao na nagtatrabaho na taliwas sa kanilang kurso ay nagpaunlak sa isang interbyu na isinagawa ng mga mananaliksik. Lima lamang ang kinapanayam ng mga mananaliksik dahil ang ilang nais makapanayam ay hindi kayang makapagbigay ng oras dahil sa iskedyul nila sa trabaho. Ang limang miyembro ng grupo ay may tig-isang ininterbyu. Hindi magiging ispesipiko ang makakalap na datos sa kaunting pag-oobserba, pagsusuri o pagtatanong-tanong. Importanteng magmula mismo sa taong nararanasan ang sitwasyon upang tuwirang masagot ang mga katanungang magbibigay-tibay at patunay sa pananaliksik na ito.

Saklaw o Delimitasyon:

Ang tatalakayin lamang ng pananaliksik na ito ay ang mga taong nagtatrabaho sa isang propesyon na taliwas sa kanilang tinapos na kurso noong sila ay nasa kolehiyo, at ang mga magiging epekto nito sa pag-asenso ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang mga istatistikang datos na gagamitin sa pananaliksik na ito ay ibabase ng mga mananaliksik sa taong 2000 hanggang sa taong 2009 lamang upang maging akma hanggang sa panahon at lagay ng ekonomiya natin ngayon at sa mga resulta o datos mula sa mga nakapanayam ng mga mananaliksik sa nakalipas na dalawang buwan sa mga taong hindi tugma ang trabaho sa kanilang kurso.

Daloy ng Pag-aaral:

Ang unang bahagi ng pananaliksik ay talakayin ang lagay ng edukasyong tersiyaryo sa Pilipinas bilang bigyan ng ideya ang mga mambabasa ukol sa kabuuang paksa lalo na kung ang mambabasa ay ang mga tutungtong pa lamang ng kolehiyo. Ang pangalawang bahagi ay ang pagbibigay-pansin sa ekonomiya ng Pilipinas nitong mga nakaraan na taon. Kasama na rin sa una at ikalawang bahagi ang ilang datos hinggil sa statiskang nakapaloob sa paksa sa bawat bahagi. Ang pangatlong bahagi ay nagbibigay tuon sa mga balakid sa paghahanap ng trabaho. Ang pang-apat na bahagi ay ang kongklusyon at mga rekomendasyon para sa mga mambabasa.

I. Intro

Ang lagay ng edukasyong tersiyaryo sa Pilipinas

Ayon sa pandaigdigang ulat ng Asian Development Bank (ADB) base sa lagay ng ekonomiya noong 2008, mas malaki ang pagkakataon na makakuha ng isang trabaho ang isang nakapagtapos ng kolehiyo kumpara sa mga nakapagtapos lamang ng elementarya o kung hindi naman ay hayskul.

Ang katotohanang ito ay pinagtibay pa ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) nang maglabas sila ng datos kung saan ang buwanang kita sa mga trabahong hindi nangangailangan ng degree sa kolehiyo ay P5000 pababa habang ang buwanang kita sa mga trabahong nangangailangan ng degree sa kolehiyo ay mahigit sa P10,000. At isa ito sa mga kadahilanang nagtulak sa humigit dalawang milyong Pilipino na pumasok sa kolehiyo noong 2009.

Itinala ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS)- ang FLEMMS ay isang ahensya ng gobyerno sa Pilipinas na nagsasagawa ng survey tuwing limang taon na naglalayon na makakuha ng impormasyon ukol sa functional literacy, media, kwalipikasyon sa edukasyon ng bansa; na dalawa sa bawat na 25 na estudyante ang bilang ng kabataan na nakatungtong sa kolehiyo ngunit hindi nakapagtapos sapagkat nananatiling pribilehiyo ang kolehiyo sa bansa dahil sa taas ng matrikula, kakulangan ng mga kagamitan at pasilidad, at patuloy na pagliit ng pondong inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon. Sa kadahilanang ito, mas pinipili ng iba na magtrabaho na lamang kaysa mag-aral. Ang resulta nito ay ang pagbaba ng bilang ng mga nakakapagtapos ng kolehiyo at ang marami ang napipilitang kumuha ng kursong pandalawang taon lamang o mas kilala sa tawag na vocational courses. Ngunit sa kabila ng pagtaas ng matrikula ay may ilang mga magulang na pilit iginagapang ang mga anak upang makapagtapos ng pag-aaral kahit na sa isang hindi kilalang unibersidad o paaralan nito makumpleto ang apat na taon na pag-aaral at makakuha ng diploma.

Samantala, ayon sa tala ng Commission on Higher Education o CHED noong Hunyo 2009, ay may 2.2 milyong estudyante ang kumukuha ng mga kurso para sa mga in-demand na trabaho sa labas ng bansa. Ang halimbawa ng mga in-demand na kurso ay nursing, education, information technology at maritime. Patuloy na umaasa ang ilan sa mga estudyante na ito sa trabaho o oportunidad na maaaring ihain sa kanila ng ibang bansa at hindi ng sariling pamahalaan.

Ang Ekonomiya ng Pilipinas

Ayon sa artikulong isinulat ni Ronnel W. Domingo, isang manunulat sa Philippine Daily Inquirer, sa kasalukuyang panahon ay gumaganda ang ekonomiya kahit nagkakaroon ng pandaigdigang krisis sa pananalapi. Habang marami sa mga bansa ng Southeast Asia ang umuurong ang ekonomiya, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumalago pa batay sa GDP o gross domestic product. Ito ay dahil sa paglago ng pagmimina, konstruksiyon, at paggasta ng pamahalaan at mga pribadong mamamayan, sabi ng mga opisyal.

Ayon sa isang editoryal sa Pilipino Star Ngayon noong March 08, 2008, ‘Marami nang pag-aaral ang isinagawa sa lagay ng ekonomiya ng Pilipinas at nakikitang maba­gal ang pag-unlad nito. Taliwas naman ito sa sinasabi ng gobyerno na bumubuti ang ekonomiya. Ang kabuntot na tanong, kung totoong gumaganda ang ekonomiya, bakit marami pa ring Pilipino ang naka­lubog sa kahirapan ng buhay. Bakit walang ganap na maidulot na serbisyo pampubliko?’

Nung 2009 ay ibinalita sa TV Patrol na magkakaroon ng isang job fair. Marami ang nagpunta at nagbaka-sakali na makakakuha sila ng trabaho. Marami ang nag-aplay ngunit hindi sila natanggap dahil sa ilang mga kadahilanan, tulad na lang ng dahilan na hindi kwalipikado ang aplikante kahit ito ay gradweyt pa ng kolehiyo. Ang iba na hindi natanggap sa kanilang mga inaplayan ay nag-aplay sa iba kahit hindi nila linya ang bakanteng posisyon at kahit malayo ito sa kursong kanilang tinapos. Dahil sa kahirapan ng bansa, napipilitan ang karamihan sa na magtrabaho kahit ang trabaho na kanilang papasukin ay malayo sa kurso na kanilang tinapos.

Ayon sa National Statistics Office noong 2009 ay tumatayang nasa 1.6 milyon lamang ang kasalukuyang bilang ng mga trabaho para sa mga propesyunal sa bansa. Kaya naman hindi na nakakapagtaka kung bakit 1.4 milyong Pilipino ang lumuwas ng bansa noong 2008 pa lamang upang magtrabaho ayon sa Philippine Overseas Employment Administration.

Paghahanap ng Trabaho

Ang mga susunod na talata ay mula sa artikulong Pagyapak sa Tunay na Mundo na isinulat nina Emili Therese A. Malacapo at Ruby Anne R. Pascua noong Marso 23, 2006 para sa The Varsitarian Vol. LXXVII, No. 11 . Ito ay tuluyang makakapagpalinaw sa pananaliksik sapagkat nakabase ito sa karanasan ng isang bagong gradweyt.

Maraming nag-aakala na magiging madali ang buhay kapag nakatapos ka ng kolehiyo. Kapag nanggaling ka sa magandang unibersidad, trabaho ang lalapit sa’yo at ikaw ang bahalang mamili kung saang kumpanya ka papasok. Subalit kadalasan, mali ang mga paniniwalang ito.

Bagaman nagkaroon na ng mga pagbabago sa paghahanap ng trabaho gaya na lang ng pagsusumite ng resumé sa internet, hindi pa rin siguradong makakapasok ka agad sa isang kumpanya o makukuha mo ang posisyong iyong nais.

Nagtapos ng B.S. Economics sa College of Commerce noong 2005, aminado si Friedrich Edmond Bacani na mahirap talagang maghanap ng trabaho lalo pa sa unang anim na buwan ng taon.

Aniya, sa mga panahong ito, matindi ang kumpetisyon sapagkat naghahanap ng trabaho ang lahat ng mga nagsipagtapos sa kolehiyo. Dahil doon, pinili niyang hindi makipagsabayan sa mga ito.

“Nagbakasyon muna ako,” pahayag ni Bacani. “Masyado kasing malabo ang market noon dahil sa dami ng mga graduates kaya bago magtapos, nagplano na ako na sa Oktubre pa ako maghahanap ng trabaho.”

Pagkatapos ng pagbabakasyon, naghanap ng trabaho si Bacani. Nagbasa siya ng mga pahayagan at binisita ang internet para tingnan kung anu-anong posisyon mayroon at kung may bakante ba sa mga kumpanya. At bilang panimula, namasukan siya para maging isang manunulat. Taliwas man sa kanyang tinapos na kurso, minahal niya rin ang una niyang trabaho.

Gayunpaman, hindi rin siya nagtagal bilang manunulat dahil nakakita siya ng trabahong mas akma sa kanyang kurso. Pumasok siya sa isang banyagang kumpanya kung saan naatasan siyang manaliksik at gumawa ng mga pag-aaral na may kaugnayan sa ekonomiya ng bansa. Dito, nagamit niya ang kanyang kaalaman at nagkaroon siya ng mas maraming karanasan na may kaugnayan sa kanyang tinapos.

Bagaman mahalaga kung saang pamantasan o unibersidad nagmula ang isang mag-aaral, natutunan ni Bacani noong mga panahong naghahahanap siya ng trabaho na napakahalaga ng marka sa eskwela para makakuha ng magandang hanap-buhay.

Ayon kay Bacani, “Walang pakialam ang mga kumpanya sa extra-curricular activities ng estudyante. Mas binibigyang halaga ng mga kumpanya ang mga marka at kung saang eskwelahan galing ang aplikante.”

Napansin din ni Bacani na hindi gaya ng ibang unibersidad, nakakalamang ang mga Tomasino sa maraming bagay gaya na lamang ng pakikisama sa mga tao, pagtanggap ng mga pagpuna at pagdadala ng problema. Isang matibay na pundasyon ang edukasyon sa UST dahil kasabay ng pagtuturo ng mga makabagong kaalaman, hinuhubog din ng Unibersidad sa magandang asal ang mga mag-aaral.

“Kapag Tomasino ka, may ideya ka na kung anong dapat asahan sa labas ng Unibersidad. Dahil nabibilang sa iba-ibang estado sa buhay ang mga estudyante sa UST, matututo kang makisama,” paliwanag ni Bacani. “Pagdating sa trabaho, alam mo kung saan ka lulugar. Thomasians can inflict pain or trash and transform them into something good.

Pag-aaral o paghahanap-buhay?

Nang magtapos ng kolehiyo si Bacani, sumagi din sa kanyang isipan kung ano ang dapat niyang gawin, kung tutuloy ba siya sa graduate school o maghahanap na ng trabaho. Gayunpaman, pinili niya ang huli.

“Kapag kumuha ka ng post graduate studies, hindi nangangahulugang nakakaangat ka na dahil lang sa Master’s degree mo. Sa totoong buhay, hindi mo naman talaga siya magagamit dahil mas mahalaga pa rin ang karanasan at kaalaman mo sa posisyong gusto mong makamtan,” sabi ni Bacani.

Ipinaliwanag ni Bacani na mas mainam kung may karanasan ang isang aplikante sa posisyong nais niyang pasukan. Pabor sa ilang mga kumpanya ang pagkuha ng mga empleyadong may karanasan na dahil hindi na nila kailangang turuan pa ang mga ito.

Idinagdag niya na mayroon ding mga kumpanya na mas gusto ang mga bagong graduate dahil nagtataglay sila ng mga bagong ideya at kaalaman na makakatulong nang malaki sa kumpanya.

Ayon naman kay Vincent Glenn Lape, personnel assistant ng Human Resource Department ng Unibersidad, kapag kinakailangan agad ng kumpanya ng tao para sa bakanteng posisyon, mas nakakalamang ang mga aplikanteng may karanasan na dahil hindi na sila kailangang turuan pa.

“May mga pagkakataon na masyadong teknikal ang trabaho kaya talagang mga aplikante na may karanasan lang ang kinukuha,” paliwanag ni Lape. “Pero, hindi sa lahat ng pagkakataon ganoon. Nakadepende pa rin sa pangangailangan ng departamento.”

Parehas na mahalaga ang malawak na kaalaman at karanasan sa paghahanap ng trabaho. Nasa tao na lang kung ano ang sa tingin niyang mas matimbang—kung mag-aaral pa o maghahanapbuhay na. Gayunman, anuman ang kanyang matutunan mula sa eskwelahan o sa trabaho, dapat niya itong gamitin para sa kanyang ikauunlad.

Batay sa librong Human Resource Management, Principles and Practices ni Dr. Concepcion R. Martines, isang pribadong konsultant ng mga organisasyong pang-gobyerno at hindi pang-gobyerno at isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas; ang pag-aanalisa ng trabaho ay nababatay sa dalawang bahagi: Ang deskripsiyon ng trabaho at at ispesipikasyon ng trabaho. Ipinapaliwanag sa deskripsyon ng trabaho ang uri o klase ng trabahong nais pasukan at ang ispesipikasyon ng trabaho naman ay nagpapaliwanag kung sino ang kwalipikado sa isang trabaho. Katulad ni Cristina Magalino, 22 taong gulang, nagtapos ng nursing ngunit kasalukuyang nagtatrabaho sa Teletech Holdings, isang call center agency sa Sta. Rosa, Laguna. Ayon sa kanya, dala ng sobrang kahigpitan ng ispesipikasyon ng trabaho ng mga nars, pinili niyang pumasok sa trabahong hindi masyadong mahigpit ang ispesipikasyon.

II.

Kritikal na Pagsusuri

Ayon sa mga nagawang pananaliksik, napakalaking bilang ng mga manggagawa ang nagtatrabaho na taliwas sa natapos nilang kurso. Ang ganitong pangyayari sa bansa ay nakakaapekto sa lagay ng ekonomiya sa pamammagitan ng hindi nila nagagampanan nang maayos ang papel na dapat naging bunga nang tinapos nilang kurso upang mapakinabangan sila sa dapat nilang kontribusyon sa bansa. Kaya kahit na may trabaho sila ngunit taliwas naman sa kursong kinuha nila ay kinokonsidera silang unemployed sa larangan na ekonomiks.

Gaya na lamang ng nakapanayam ng mga mananaliksik na si Cristina A. Magalino, isang Client Service Representative sa Teletech Holdings sa Sta. Rosa, Laguna. Taliwas sa kanyang tinapos na kurso na B.S. Nursing ang kanyang trabaho ngayon. Imbis na napapakinabangan siya sa mga ospital o maaaring ipadala ng gobyerno bilang tulong sa ibang lugar sa panahon ng krisis, hindi ito ang kanyang naging papel. Sa kasalukuyan siya ay nasa isang kumpanya at kumakayod para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay.

Maraming salik ang nakaapekto sa pagkuha nila ng mga ganoong klase ng trabaho at ilan sa mga ito ay ang pagiging in demand ng iba’t ibang propesyon sa ibang bansa tulad ng caregivers, nars, domestic helpers, inhinyero at iba pa. Ayon sa artikulo ni Veronica Uy sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, maraming in-demand na trabaho ang natukoy sa ginawang DOLE National Human Resource Conference noong taong 2007 at patuloy pang dumarami sa kasalukuyan. Ang ilan sa mga trabahong naitala ay: call center agent, caregiver, mining engineer, nursing assistant, barista, cook at iba pa. Isa pang salik ay ang epekto ng pandaigdigang pangpinansiyal na krisis kaya wala nang kakayahan ang isang tao na mamimili pa ng trabaho dahil sa matinding pangangailangan na kailangan tustusan sa araw-araw. Kaugnay din ito sa pahayang Philippine Daily Inquirer ngunit sa artikulong sinulat naman ni Amando Doronila. Nakasaad dito na ayon kay WB senior economist for the Philippines, Eric Le Borgne na dahil sa krisis pangpinansiyal na kinakaharap ng mundo ay maraming mawawalan ng trabaho sa Pilipinas. At ito ay magdudulot ng unos na dapat lagpasan ng bansa, kung hindi, ito ay hahantong sa labis na kahirapan na mararanasan ng bawat mamamayan.

May mga ilan pang rason na hindi man nagawang itala ng pananaliksik na ito ngunit makikita naman sa kasalukuyang lipunan ngayon.

III.

Kongklusyon

Maraming salik ang nakakaapekto sa lagay ng ekonomiya ng bansa. Isa sa malaking bahagi nito ay ang pagtatrabaho ng mga tao sa lipunan nang taliwas sa kanilang kursong tinapos.

Ang problemang ito ay bunga ng iba’t ibang rason at kadahilanan. Ayon sa pananaliksik na ito, bukod sa krisis sa pandaigdigang pangpinansiyal, ang iba pang aspetong nakakaapekto dito ay ang lawak ng kompetisyon. Dahil rin sa lakasan ng loob ang labanan ngayon, maraming mga aplikante ang napagiiwanan na at hindi nabibigyan ng atensyon. Kung kaya’t kahit mababang uri na lamang ng trabaho buong tiyaga nilang tinatahak. Isa pa, ay ang laki ng sahod na kung papansinin ay ang pangunahing binibigyang prioridad ng karamihan sa mga nagtatrabaho ngayon. Praktikalidad ang ipinaiiral ng maraming mga aplikante at mga empleyado ngayon. Higit sa lahat, tindi ng kahirapan at gutom ang pinakanakapaguudyok sa mga taong magtiis sa trabahong hindi nararapat para sa kanila; ang magdusang magpa-alila sa ibang bansa; at ang magtiyaga sa kakarampot na sahod na hindi sasapat sa pangangailangan nila.

Gayunpaman, hindi mapagkakaila na nakakatulong din sila sa iba’t ibang aspekto tulad na lamang ng mga remittances ng mga overseas Filipino workers (OFW’s) na maganda sa ekonomiya dahil sa patuloy na pagpasok ng dolyar. Maging ang pagpasok ng Foreign Investors sa bansang ito ay pagpasok rin ng dagdag na tax sa pondo at kahit papaano’y nakapagbibigay din ng dagdag employment sa marami ring mga Pilipino.

Rekomendasyon

Ang ilang mga solusyon na nais ipahayag ng mga mananaliksik base sa mga nakalap na rason ng pagtatrabaho na taliwas sa kursong tinapos upang mabawasan ang bilang ng mga ito at mas malinang nila ang mga pinagsikapan nila sa loob ng apat na taon sa pag-aaral ay una, ang isang indibidwal ay dapat maging masinop sa pagpili ng kurso, ito dapat ay sariling pagpili ayon sa sariling kagustuhan,at hindi sapat na dahilan ang pagiging in demand ng isang kurso upang kunin iyon ng mga papasok sa kolehiyo; pangalawa, huwag baliwalain ang bawat marka at gradong nakuha o nakukuha sa kolehiyo, dahil ang mga ito ay pwedeng maging asset sa pagkuha ng isang trabahong babagay sa isang indibidwal kahit na walang karanasan; pangatlo, panindigan ang kursong tinapos, maging matapang na ipaglaban ito lalo na kung ito ang trabahong totoong pinapangarap, sapagkat dito mo maiibigay ang isang daang porsyentong determinasyon at pagsisikap; pang-apat, marapat bigyang halaga ng gobyerno ang pagbibigay ng mas maraming trabaho sa lipunan maging sa mga mamamayan nating magsasaka sapagkat napakaraming lupain sa Pilipinas na maaaring taniman at pagkakitaan; pang-lima, para naman sa mga kumpanya, sikaping huwag maging bias sa pagtanggap ng mga empleyado, maging patas, hindi lang sa pinagtapusan na pamantasan masusukat ang kakayanan ng isang indibidwal; at ang huli; baguhin ang pag-iisip na nasa ibang bansa ang pag-asa sapagkat hindi hawak ng ibang bansa ang kaunlaran ng bansang ito. Ang pag-asa ay nasa kamay ng bawat Pilipinong handang magsilbi ng buong puso sa sariling bansa.

Para naman sa mga nais na magpatuloy ng pananaliksik na ito ay mas makakabuti kung dadamihan ang bilang ng mga iinterbyuhin hinggil sa isyu upang makapaglabas ng mas magandang resulta, maghanap pa ng mas maraming sanggunian na makakapagsuporta nang matibay sa pag-aaral, gumawa ng mga tsart para mas madali ang interpretasyon ng mga istatiskang datos at pagyamanin pa ang mga kaalaman na nakasaad sa pananaliksik na ito.

Sanggunian

Tucay, Marjohara. “Lagay ng Pilipinas sa Unang Hagupit ng Pandaigdigang Krisis-pampinansya,” Philippine Collegian’s News, Pebrero 6, 2009.

____________. “Lagay ng Edukasyong Tersyaryo sa Pilipinas,” Philippine Collegian’s News, Hulyo 3, 2009.

Malacapo, Emili Therese A. Pascua, Ruby Anne R. “Pagyapak sa Tunay na Mundo,” The Varsitarian, Marso 23, 2006.

Domingo, Ronnel W. “Naiwasan ang recession, Lumago ang ekonomiya ng Pilipinas batay sa GDP” Agosto 28, 2009.

2 comments:

  1. Unemployed Pinoys can earn while enjoying time with their family and loveones.
    Unemployed is Brave and a choice to be a Freeman.
    Join us today at http://www.unemployedpinoys.com

    ReplyDelete
  2. good news for job seekers.. want to work online at the comforts of your home ..try this site if your still searching online jobs ...
    BUILD YOUR CAREER ONLINE WHILE BEING A FREEMAN
    Start working at home and visit us at http://www.unemployedpinoys.com
    Pls email me workonline2977@gmail.com

    ReplyDelete